Kahit walang tungkol sa niyog o kahit tungkol sa agrikultura man lamang sa pangkabuuan ang Philippine Prose and Poetry, ang ipinalaganap na teksbuk sa mga pampublikong paaralan sa Pilipinas hanggang 1964, hindi naman matatawaran ang inilathalang saliksik ni E. Arsenio Manuel noong 1958 tungkol sa mga piraso ng awit ng Tagalog Tayabas na humagip sa ilang detalye hinggil sa niyog. Ipinaliwanag ni Manuel sa kaniyang saliksik na may pamagat na, “Tayabas Tagalog Awit Fragments from Quezon Province” ang matibay niyang natuklasan tungkol sa awit bilang panitikang-bayan.[i] May bahagi pa sa kaniyang saliksik na tumatalakay kung bakit dapat ituring na isang anyong pampanitikan ang awit. Para mapatunayan ito, inugat niya ang kahulugan nito sa Vocabulario de la lengua Tagala at matutuklasan niyang isa nga ito sa maituturing na panitikang-bayan ng mga Tagalog. Idiniin pa niya sa kaniyang saliksik na, “Sa pagsulong ng awit, unti-unting napaunlad ng mga makatang Tagalog ang mga lokal na paksa, at sa huli, ang mga kuwentong nakasalig sa katutubong pamumuhay at kaugalian.”[ii] Kaya kahit sa nakalap ni Manuel na awit tungkol sa pagpapatulog ng bata sa Lalawigan ng Quezon na inilatag niya sa kaniyang saliksik ay mababakas pa rin ang mga detalyeng nakasalig sa katutubong pamumuhay at kaugalian ng mga tagaroon. Sa panahong iyon, masasabing ang pamumuhay o ang ikinabubuhay ng mga tao sa Lalawigan ng Quezon o ang Lalawigan ng Tayabas noon ay hindi maitatatwang nakasalig sa niyog dahil taong 1939 pa lamang ay 18.15 porsiyento ng niyog o 25.3 milyong mga puno ng niyog sa buong Pilipinas ay matatagpuan sa lalawigang ito. Dagdag pa, kahit sa bayan ng Tayabas na naging kabisera ng Lalawigan ng Tayabas ay naitala noong 1950s na napakalaking industriya ang kopra.[iii] At hindi kataka-takang kahit sa awit sa pagpapatulog ng bata ay may mababakas tayong detalye hinggil sa niyog dahil nasa kamalayan na ito ng mga tagaroon at ito ang pangunahing pinagkukunan nila ng kabuhayan. Hindi nga nagmintis ang pagtinging ganito dahil sa awit sa pagpapatulog ng bata na natapos irekord ni Manuel noong 1957 mula sa kaniyang informant na tubong Pagbilao, Quezon ay matutunghayan ang mga saknong na ito:
Mahal na prinsipe kung totoo’t gusto,
Hayo at magtanim ka ng niyog sa bato;
Ngay-on din bubunga, ngay-on din bubuko,
Doon ko kukunin ang igagata ko.
Ano bang sarap ng mga paghigop,
Kung itong asukal ay lagyan mo ng pulot;
At gata nama’y lagyan mo ng niyog,
Parang sinukaan ng kamatis na hinog.[iv]
Sa mga saknong na nasa itaas, mahihinuhang nagugunita ng mga mamamayan sa Lalawigan ng Tayabas ang niyog kahit sa pamamagitan ng awit. Sa unang saknong pa lamang ng awit ay mababanaag na ang halaga ng niyog kaya ang pagtatanim ng niyog para sa mga Tayabasin ay lubhang mahalaga. Parehong nabanggit sa parehong saknong ang tungkol sa gata. Napakahalaga rin sa mga Tayabasin ang gata na ginagamit sa pagluluto ng iba’t ibang putahe ng ulam at mga kakanin. Naging mahalagang kultura sa mga Pilipino ang paggamit sa gata bilang sangkap sa napakaraming pagkaing inihahain sa hapag kainan ng mga Pilipino mula Luzon hanggang Mindanao. Ang ilan sa mga pagkaing ginamitan ng gata na pinakapaborito ng mga Pilipino ay ang Tulingang Sinaing sa Gata at Biko ayon sa isang dokumentaryo.[v] Sa dami ng gamit ng niyog at halaga nito sa pamumuhay ng tao, naging malaking bahagi ito ng kamalayan at kalinangang Pilipino, hindi lamang ng mga Tayabasin.
Magandang sipatin ang anggulo na habang patuloy na ipinagagamit ang Philippine Prose and Poetry sa pampublikong edukasyon kahit hindi naman ito naglalatag ng mga mahahalagang panitikang nagbubukas sa kamalayan sa agrikulturang Pilipino, maliban sa mga siyentipikong pananaliksik hinggil sa niyog na naiambag ng PHILCORIN, katangi-tangi naman ang nagampanan ng iskolar na si E. Arsenio Manuel dahil sa kaniyang masikhay at makabuluhang saliksik sa mga terminong nakakabit sa kultura ng pagniniyog sa Lalawigan ng Quezon. Matatapos niya ang saliksik na ito na may pamagat na “A Lexicographic Study of Tayabas Tagalog” noong 1954 at ilalathala ng Diliman Review noong 1971 hindi bilang isang artikulo lamang kundi isang buong libro na buhat sa kaniyang tesis sa masteradong antas sa Unibersidad ng Pilipinas.[vi] Maituturing na mahalaga sa industriya ng niyog ang saliksik na ito ni Manuel dahil nakapaloob sa saliksik na ito ang masusing pag-aaral sa mga terminong ginagamit kaugnay sa kultura ng pagniniyog sa Pilipinas partikular sa Lalawigan ng Tayabas noon. Masinop na naipaliwanag ni Manuel ang mga terminong ito sa pamamagitan ng kaniyang malawak na karanasan sa field work sa nabanggit na lalawigan at sa tulong na rin ng mga informant sa bawat bayan na kaniyang pinuntahan. Makikita ang listahan ng mga informant at lugar na kaniyang sinaliksik sa bungad na bahagi ng kaniyang saliksik na nailathala. Nagpapakita lamang ito na napakalawak ang naging saklaw ng saliksik ni Manuel at hindi matatawaran ang ginugol niyang panahon upang maisakatuparan at matapos ang saliksik na ito.
Umabot sa tatlong daan na mga terminong ginagamit sa pagniniyog ang nakapaloob sa saliksik ni Manuel na mahalaga sanang matunghayan ng mga iskolar ngayon lalo na kung ang sinasaliksik ay hinggil sa kultura ng pagniniyog sa ating bansa. Ang ilang halimbawa ng mga terminong ito ay makikita sa Talahanayan 9 (Mga Halimbawa ng mga Terminong Ginagamit Kaugnay sa Pagniniyog mula sa Saliksik ni E. Arsenio Manuel).
Talahanayan 9:
Halimbawa ng mga Terminong Ginagamit Kaugnay sa Pagniniyog mula sa Saliksik ni E. Arsenio Manuel
Termino
|
Kahulugan
|
Ayupang
|
Bunga ng niyog na walang laman, pipis o puyot.
|
Bugnoy
|
Niyog na wala sa gulang na nalalaglag sa lupa na mahina ang gata, niyog na hindi maaaring tumubo.
|
Burigi
|
Kagamitan na pang-ipon ng niyog, may tatangnan at talim na bakal sa dulo, pang-ipon o pangbunton.
|
Dukhaw
|
Inaabot o kinukuha ang bunga ng niyog o iba pang bunga na malayo o mahirap abutin.
|
Gisok
|
Matigas na lanot o tistis ng niyog na ginagawang bubong.
|
Hangwat
|
Paghango sa isang bagay pagkatapos ang pagsilab o pagtapa gaya ng niyog.
|
Kayakas
|
Tuyong dahon ng palapang kahoy, lalo na ang sa niyog.
|
Lukad
|
Tuyong laman ng niyog na wala na sa bao at handa nang ipagbili, kalibkib o kopra.
|
Mura
|
Niyog na may malambot pang laman.
|
Ngalisngis
|
Ang pinakaibabaw na bahagi ng balat ng puno ng niyog.
|
Paragos
|
Mahabang pahilahan o sasakyan na may dalawang gapang na karaniwang ginagamit sa paghakot ng niyog.
|
Suloy
|
Sibol, usbong sa puno gaya sa niyog at iba pang puno.
|
Tapas
|
Pag-aalis ng bunot, lalo na sa niyog.
|
Ugka
|
Tikal o tigkal, paghihiwalay ng lukad sa bao.
|
Yadyad
|
Gadgarin o kayurin, ang halimbawa’y niyog para makuha ang gata o papaya para gawing atsara at iba pa.
|
Source: E. Arsenio Manuel, A Lexicographic Study of Tayabas Tagalog, 1971
Higit din sanang mapahahalagahan ang mga terminong ito na sinaliksik ni Manuel kung matatalakay rin ito sa mismong mga magniniyog sa pamamagitan ng isang pagtitipong pambarangay o aktibidad na nagsusulong ng mga posibilidad sa paghubog ng kakanyahan, karangalan at kaakuhan ng mga magniniyog partikular sa Lalawigan ng Quezon o maaaring sa kabuuan ng ating bansa. Malaki ang maitutulong nito dahil maaaring maitampok ang mga katangi-tanging danas ng mga magniniyog sa hanapbuhay at industriyang ito kapag naririnig na nilang tinatalakay ang mga terminong nakakabit sa pagniniyog na nadukal din naman sa kanilang mga sariling karanasan at kamalayan bilang mga magniniyog. Ang mga terminong ito ay lumitaw dahil sa kanila at utang natin sa kanila ang mga ito bilang pagpapayabong ng mga taal na terminolohiyang pang-agrikultura na nakatutok sa niyog. Mahalaga rin kasing naitatampok ang ambag ng mga magniniyog hindi lamang sa industriya ng niyog sa pangkalahatan kundi pati na rin sa larang ng wika, lingguwistika at kultura gaya ng ambag na mga terminong mahuhugot sa saliksik ni Manuel. Hanggang sa kasalukuyan, si Manuel pa rin ang maituturing na may malawak na tala ng mga terminong ugnay sa niyog at pagniniyog. Kahit ang Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ay hindi pa rin nakapaglalabas ng komprehensibong saliksik hinggil sa mga terminong ginagamit sa pagniniyog sa ating bansa. Ang pagpapatingkad sa mga terminong ito na mula mismo sa danas sa pagniniyog ng mga magniniyog ay isang paraan upang lalong pausbungin ang kakanyahan, karangalan at kaakuhan ng mga magniniyog upang lalo pang matanaw nila na hindi sila bigo sa pagsandig sa tinagurian nilang “puno ng buhay” na dati na ring sinandigan ng ating mga ninuno sa bayang ito.
Para patunayan ang posibilidad na nakahuhubog ng kakanyahan, karangalan at kaakuhan ng mga magniniyog ang saliksik gaya ng nagawa ni Manuel tungkol sa mga terminong nakaugnay sa pagniniyog. Sa aking pakikipanayam at pakikipagkuwentuhan sa mga magniniyog, sa tuwing nababanggit ko at ipinaliliwanag na hindi lamang sila nakatutulong sa industriya ng niyog dahil kahit sa larang ng wika, lingguwistika at kultura ay may ambag ang wikang nalilikha nila sa danas sa pagniniyog bilang pagpapayabong sa mga salitang ginagamit sa agrikultura. Sumasang-ayon sila rito, mababanaag sa kanilang mga mukha ang galak kapag ito na ang pinag-uusapan namin, at ang madalas nilang mungkahi at hiling ay sana raw magpatuloy pa ang pagkilala at paggamit ng mga terminong ito hanggang sa mga susunod pang henerasyon. Ika nga ng isang babaeng maglulukad na Mulanayin o mula sa Bayan ng Mulanay, Quezon na si Kang Anita na aking nakakuwentuhan:
Yanong sarap baya sa pakiramdam na inaaral n’yo ang inagamit naming salita sa niyugan. Kapag nagalukad ‘yan ano? Nagatikal, nagabuo, nagapahila, nagabaak, ang dami pa baya. May inagamit pa kaming ang tawag ay burigi, paragos, tapasan, kadami pa baya. Ang isa pa ngani ay ‘yung hangwat, na ibig sabihin mandi’y hanguin ‘yung inatapahang lukad. Maigi wari ‘yan utoy at inaalam pa baya ninyo, gawa ng limot na ng ibang kabataan lalo ‘yung mga napadpad na sa Maynila. Sana ngani ay maalaman pa ‘yan ng mga bata sa masunod na henerasyon.[vii]
Kalugod-lugod para kay Kang Anita na 1970 pa raw nagsimulang maglukad nang malaman niya mula sa aming pagkukuwentuhan na may saliksik na humahagip sa mga terminong ginagamit nila sa paglulukad/pagkokopra. Natuklasan ko rin na lahat ng mga salitang binanggit ni Kang Anita gaya ng tikal, buo, baak, burigi, paragos, tapas/an at hangwat ay makikita sa saliksik ni Manuel. Samakatuwid, nasaklaw nang husto ng saliksik ni Manuel ang mga termino tungkol sa pagniniyog sa Lalawigan ng Quezon. Ibig sabihin, kailangang magtuloy-tuloy ang nasimulang mahahalagang pananaliksik ni Manuel na higit na nakatuon sa pangkalinangang aspekto ng pagpapaunlad ng industriya ng niyog sa ating bansa.
[1] E. Arsenio Manuel, “Tayabas Tagalog Awit Fragments from Quezon Province,” Folklore Studies 17 (1958): pp. 55-99.
[2] E. Arsenio Manuel, Ang Epikong-Bayan at Iba pang Araling Folklore (Maynila: Aklat ng Bayan, 2019), p. 236.
[3] Raymundo Andres V. Palad, Bayan ng Tayabas: Kasaysayan at Kalinangan, 1575-1985 (Tayabas City: Alternatibong Tahanan ng mga Akda at Gawang Nasaliksik Inc., 2016), p. 186.
[4] Manuel, op. cit., pp. 251-252.
[6] E. Arsenio Manuel, “A Lexicographic Study of Tayabas Tagalog,” The Diliman Review 19, nos. 1-4 (1971): 1-420.
[7] Mula ito sa aking pakikipanayam/pakikipagkuwentuhan kay Kang Anita (maglulukad sa bayan ng Mulanay, Lalawigan ng Quezon) noong January 26, 2019.